NAGA CITY- Walang imposible sa taong may pangarap sa buhay.
Ito ang mantrang laging isinasabuhay ng isang photographer sa lungsod ng Naga.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Jomar Yngente, isang photographer, sinabi nito na nabubuhay umano ang dugo nito kapag may mga proyekto sa paaralan na may kaugnayan sa naturang media arts.
Ayon pa kay Yngente, kahit walang sariling camera, ay patuloy ang kanyang pagpupursige sa buhay para lamang maitawid ang pang araw-araw na gastusin.
Kung kinakailangan nitong manghiram ng camera sa mga kakilala ay gagawin nito para lamang may magamit sa panghahanap-buhay.
Naniniwala kasi ito lagi namang may paraan para sa mga taong pursigido na ipagpatuloy ang passion sa buhay.
Dagdag pa ni Yngente, nagsisilbing source of income nito ang potograpiya kaya naman hindi pwedeng may masayang na mga nagbubukas na oportunidad sa kanya.
Samantala, patuloy naman ang buhos ng mga taong nagbibigay sa kanya ng pagkakataon para maipakita ang kanyang talento.
Sa ngayon, hinikayat nito ang lahat ng tao na ipagpatuloy lang ang mga nais na gawin sa buhay at huwag sumuko sa mga hamon ng buhay.