Photo © NCPO

NAGA CITY- Patay ang isang 18-anyos na lalaki matapos saksakin sa lungsod ng Naga.

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga ki PSSGT Robert Aguillon, Assistant Public Information Officer ng Naga City Police Office, sinabi nito na nangyari ang insidente sa St. Claire, Barangay Concepcion Pequeña sa nasabing lungsod.

Sa nakalap na impormasyon ng mga kapulisan napag-alaman na mayroon na umanong dating alitan ang hindi na pinangalanang biktima at ang tatlong suspek na menor de edad na nagresulta sa nasabing krimen.

Ayon kay Aguillon, nagkasalubong umano ang biktima at mga suspek at nagkaroon nang mainit na diskusyon kung saan nauwi sa pananaksak-patay sa 18-anyos na biktima.

Advertisement

Habang nagtatalo, bumunot umano ng patalim ang isa sa mga suspek at kaagad na itinarak ito sa katawan ng biktima na nagresulta naman sa agaran nitong kamatayan.

Kaagad na inireport nang mga nakakita ang insidente sa mga kapulisan kung kaya kaagad naman na nadakip ang dalawa sa mga suspek habang ang isa ay kusang isinuko sa mga otoridad.

Dagdag pa ni Aguillon, ang mga suspek ay nag-eedad 14-anyos, 15-anyos at 17-anyos.

Kaugnay nito, mahaharap naman sa karamtapang kapasudahan ang nasabing mga menor de edad. Kung saan sinasabi na ang 15-anyos at 17-anyos na suspek ay maari umanong sampahan ng kasong homicide base na rin sa mga dokumento na inilatag ng DSWD habang ang 14-anyos ay mahaharap sa civil liability.

Sa ngayon, binigyan diin ni Aguillon na tuloy-tuloy ang implementasyon ng curfew sa Naga City para sa mga menor de edad at pagsasagawa ng mga lecture and seminars sa mga paaralan upang maiwasan ang mga kahalintulad na pangyayari.

Advertisement