NAGA CITY – Mahigpit ang monitoring na isinasagawa nang Municipal Disaster and Risk Reduction Management Office ng Presententacion sa mga ilog na sakop nang kanilang bayan matapos rumagasa ang tubig baha sa isang ilog paliguan sa nasabing bayan sa kabila ng mainit na panahon.
Maalala, lubhang ikinabigla ng maraming tao ang nangyari lalo pa’t unang bes lamang nilang nasaksihan ang ganitong pangyayari.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Regina Bea, MDRRMO Head ng Presentacion, sinabi nito na kahit pa mainit ang mababang parte ng bayan kung umulan sa kabundukang bahagi ng Lagonoy, Presentacion at iba pang bahagi ng Upland Areas ay talagang mangyayari ang pagragasa ng tubig.
Paliwanag ni Bea, normal na umano sa kanilang bayan ang ganitong pangyayari lalo pa’t kasabay sa nararanasang init ng panahon nagkakaroon rin ng pagbabago sa lagay ng mga ilog na sakop ng kanilang bayan.
Samantala nang mangyari ang insidente mayroong mga naliligo ngunit tiniyak naman ng opisyal na ligtas ang lahat ng mga nastranded na indibidwal.
Kaugnay nito, pinaalalahan naman ni Bea ang mga barangay opisyal sa kanilang bayan hinggil sa mga safety measures at ang patuloy na monitoring sa mga lugar na dinarayo ng mga tao.
Dagdag pa nito, maging maingat rin ang publiko kapag maliligo sa mga ilog at maging mapagmatyag dahil nangyayari talaga sa ilog ang ganitong insidente.
Maalala, isa ang naturang bayan sa mga dinarayo dahil sa mga nature attractions, tulad na lamang ng malamig na tubig sa ilog, mga falls at beaches.