NAGA CITY- Dumating na sa Police Headquarters ng Camarines Sur Police Provincial Office ang mga kapulisan at mga augmented personnel na mula sa Regional Office bilang bahagi ng paghahanda para sa nalalapit na 2025 midterm election.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay PCPT. Liza Jane Alteza, tagapagsalita ng CSSPO, sinabi nito na ang nasabing mga kapulisan ay magbabantay sa mga polling precint sa buong lalawigan ng Camarines Sur.
Ang mga ito rin ay makikita sa lahat ng places of public convergence upang matiyak na magiging tahimik at maayos ang botohan.
Ayon pa kay Alteza, simula kahapon, naka-full alert na ang lahat ng unit ng Philippine National Police (PNP) kasabay ng pagpapakalat ng mga kapulisan at kagamitan upang matiyak ang seguridad ng elections sa May 12.
Maliban sa pambansang pulisya, nariyan din ang presensiya ng Armed Forces of the Philippines, Coast Guard, BFP at iba pang augmented groups na tutulong sa darating na eleksyon.
Samantala, mula nang umarangkada ang election campaign nananatiling tahimik at walang naitatalang election related incident ang kanilang hanay, indikasyon na ang lahat ay sumusunod sa nag-iiral na panuntunan.
Maliban dito, sumusunod naman aniya ang publiko sa nag-iiral na Comelec Checkpoint at wala pang naitatalang nagbalga sa Gun Ban.
Sa ngayon, inaasahan na may darating pang Augmented personnel sa lalawigan upang magsilbing dagdag pwersa sa pagbabantay sa darating na halalan.