Inilipat ng Bureau of Customs (BOC) sa Bureau of the Treasury ang mahigit ₱102 milyon na nalikom mula sa public auction ng mga nakumpiskang luxury vehicle na iniuugnay sa mga contractor na sina Sarah Discaya at Curlee Discaya.

Pinangunahan ni Customs Commissioner Ariel Nepomuceno ang seremonyal na turnover noong Martes kung saan iniabot ang kabuuang ₱102,468,884.15 na kinita mula sa pagbebenta ng siyam sa 13 nakumpiskang sasakyan.

Tinanggap naman ng Treasury ang pondo sa pamamagitan ni lawyer Jerekko Cadorna, officer-in-charge ng Complaints and Investigation Division ng ahensya.

Ang 13 luxury vehicles ay nakumpiska dahil sa paglabag sa Customs Modernization and Tariff Act (CMTA). Kabilang sa mga sasakyan ang ilang high-end na modelo tulad ng Rolls-Royce Cullinan, Bentley Bentayga, Mercedes-Benz G63 AMG, at Cadillac Escalade.

Advertisement

Isinagawa ang serye ng public auctions upang maibenta ang mga sasakyan at mabawi ang umano’y ill-gotten wealth na may kaugnayan sa sinasabing flood control corruption scheme.

Sa unang auction noong Nobyembre 20, 2025, naibenta ang tatlong sasakyan kabilang ang Mercedes-Benz G63 AMG na umabot sa ₱15.6 milyon at Mercedes-Benz G500 Brabus na nabenta sa ₱15.5 milyon, na nagbigay ng kabuuang higit ₱38.2 milyon.

Sa ikalawang auction noong Disyembre 5, 2025, naibenta ang Toyota Tundra sa ₱3.48 milyon at Toyota Sequoia sa ₱6 milyon.

Samantala, sa ikatlong auction noong Pebrero 11, nabenta ang Rolls-Royce Cullinan sa halagang ₱29.02 milyon. Naging kontrobersyal ang sasakyang ito matapos umanong bilhin ni Sarah Discaya dahil may kasama itong libreng payong.

Sa ikaapat na auction noong Pebrero 25, naibenta ang Lincoln Navigator, Cadillac Escalade ESV, at Bentley Bentayga na nagbigay ng kabuuang ₱25.75 milyon.

Ayon kay Nepomuceno, ang natitirang apat na sasakyan na iniuugnay sa Discaya ay isasama sa susunod na auction sa Marso 17 kasama ang 21 iba pang nakumpiskang luxury vehicles. Inaasahang aabot sa ₱700 milyon ang kabuuang malilikom mula rito.

Dagdag pa ng opisyal, ang perang ibinigay sa Treasury ay gagamitin para sa mga programang makikinabang ang mga Pilipino at makatutulong sa pambansang kaunlaran.

Advertisement