Naghain ng kanilang pormal na pagharap sa House justice panel ang legal team ni Vice President Sara Duterte kaugnay ng mga impeachment proceedings na isinampa laban sa kanya sa Kamara.

Isinumite ng kampo ng bise presidente ang kanilang Appearance Ad Cautelam o pagharap bilang pag-iingat noong Marso 9, ayon sa mga dokumentong inihain sa komite.

Kabilang sa mga abogado sa legal team ang ilang miyembro mula sa Fortun, Narvasa and Salazar law firm, kabilang sina Philip Sigfrid Fortun, Gregorio Narvasa II, Sheila Sison, Carlo Joaquin Narvasa, Justin Nicol Gular, David Ronell Golla VII, Lindon Miguel Bacquel, Karol Grace Oroceo, Clarlaine Radoc, Francesca Marie Flores, at Miguel Carlos Fernandez.

Kasama rin sa team ang kasalukuyang tagapagsalita ni Duterte na si Michael Poa at dating spokesperson nitong si Reynold Munsayac, na ngayon ay executive director ng PDP Laban, ang partido ng kanyang amang si dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Advertisement

Bahagi rin ng legal team ang mga abogado na sina Mark Vinluan, Ralph Bodota, at Roberto Batungbacal.

Sa kanilang pahayag, sinabi ng mga abogado na ang kanilang pagharap ay hindi nangangahulugang isinusuko ni Duterte ang anumang legal na pagtutol o karapatan na maghain ng kaukulang remedyo.

Samantala, nagpahayag naman ng pangamba si Bicol Saro Party-List Rep. Terry Ridon, miyembro ng House justice committee, hinggil sa posibleng conflict of interest nina Poa at Munsayac.

Ayon kay Ridon, kung may direktang kaalaman ang dalawa sa mga transaksyon o desisyong sinusuri sa kaso, maaari silang tawaging tumestigo sa ilalim ng panunumpa sa halip na magsilbing legal counsel.

Dagdag niya, bilang dating tagapagsalita ng Office of the Vice President at Department of Education, maaaring may impormasyon ang dalawa na mahalaga sa mga reklamo ng impeachment laban kay Duterte.

Sinabi rin ni Ridon na bagama’t may umiiral na lawyer-client privilege, may mga limitasyon ito, lalo na kung may kinalaman sa mga factual na usapin sa kanilang naging tungkulin sa OVP at DepEd.

Sa ngayon, hinihintay pa ng House justice committee ang pormal na sagot ni Duterte sa mga reklamong impeachment laban sa kanya, na may kaugnayan sa paggamit ng confidential funds ng Office of the Vice President at Department of Education noong 2022 at 2023.

Mariing itinanggi ni Duterte ang mga alegasyon at sinabi niyang may kaugnayan ang mga ito sa umano’y pulitika at sa planong pagtakbo sa pagkapangulo sa 2028.

Advertisement