Kamara, ipinagtanggol ang paglilipat ng pondo sa 2027 budget; P15.33-B disaster funds, hindi nagastos

Ipinagtanggol ng House of Representatives (HOR) ang desisyon nitong ilipat ang ilang pondo sa ilalim ng panukalang 2027 national budget, na iniuugnay sa mabagal na paggamit ng pondo ng ilang ahensya ng pamahalaan.

Batay sa mga tala, umaabot sa P15.33 bilyon ang pondong nakalaan para sa disaster response at rehabilitation na hindi nagamit at maaari umanong ilaan sa mga programang mas mabilis na maipatutupad.

Ayon kay Bataan 2nd District Representative Albert Garcia, senior vice chair ng House Committee on Appropriations, lumitaw sa isinagawang mga pagdinig ng mga mambabatas na may ilang programa na mabagal ang implementasyon at mayroon pang natitirang pondo.

Advertisement

Paliwanag ni Garcia, minabuti nilang ilipat ang bahagi ng naturang pondo sa mga prayoridad na programa upang hindi manatiling hindi nagagamit ang pera ng bayan habang inaayos pa ng mga kinauukulang ahensya ang pagpapatupad ng kanilang mga proyekto.

Nilinaw din niya na piling programa lamang ang saklaw ng mga pagbabago at hindi nito naaapektuhan ang buong badyet ng isang ahensya.

Samantala, isiniwalat ni FPJ Panday Bayanihan Party-list Representative Brian Poe na batay sa tala noong Hunyo 30, 2026, may P15.33 bilyong pondong hindi nagamit mula sa Disaster Rehabilitation and Reconstruction Assistance Program sa ilalim ng National Disaster Risk Reduction and Management Fund.

Ayon kay Poe, nagsilbi itong batayan sa panukalang amyendahan ang badyet upang madagdagan ang quick response funds ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) at Department of Agriculture (DA).

Dagdag pa niya, hindi nagbabago ang pangunahing layunin ng naturang pondo na tumugon sa mga kalamidad, subalit ililipat lamang ito sa mga ahensyang may kakayahang mas mabilis na makapaghatid ng tulong sa mga apektadong mamamayan.

Nanawagan din si Poe sa mga senador at civil society organizations na makibahagi sa pagsusuri kung maaaring pagkunan ng pondo ang mga programang mababa ang paggastos upang matugunan ang mas agarang pangangailangan ng publiko.

Inilabas ang naturang paglilinaw kasunod ng mga katanungan kaugnay ng P190 bilyong halaga ng mga amyendang isinulong ng Kamara sa panukalang pambansang badyet.

Advertisement