Photo © web

Ipinaliwanag ng Malacañang kung bakit hindi personal na sumama si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Ninoy Aquino International Airport para salubungin ang mga Pilipinong nagbalik-bansa matapos ma-displaced sa nagpapatuloy na labanan sa Gitnang Silangan.

Ayon kay Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Press Officer Claire Castro, inatasan ng Pangulo ang mga opisyal ng Department of Migrant Workers (DMW) at Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) na asikasuhin at tulungan ang mga dumating na overseas Filipino workers (OFWs).

“Nandyan po ang DMW at OWWA na siyang inutusan ng Pangulo na mag-asikaso at tumulong sa ating mga kababayan,” ani Castro.

Dagdag pa niya, abala ang Pangulo sa iba pang mahahalagang responsibilidad, kabilang ang paghahanda ng karagdagang programa at tulong mula sa gobyerno upang maibsan ang epekto ng labanan sa Gitnang Silangan sa mga Pilipino at sa ekonomiya ng bansa.

Advertisement

“Ayusin ang mga karagdagang programa at tulong sa ating mga kababayan para maibsan ang impact sa ating bansa ng mga nangyayari sa Middle East,” dagdag ni Castro.

Nauna rito, isa na namang batch ng mga Pilipino mula sa Gitnang Silangan ang dumating sa Maynila sakay ng Philippine Airlines flight PR8502 noong Sabado. Ayon kay PCO Secretary Dave Gomez, naka-antabay ang mga awtoridad at support teams sa paliparan upang tulungan ang mga pasaherong dumating at tulungan silang makauwi sa kani-kanilang probinsya.

Ito ang ikalawang batch ng mga repatriates mula sa rehiyon sa gitna ng patuloy na tensyon, kasunod ng unang flight mula Dubai na dumating noong Marso 5.

Advertisement