Pinag-aaralan ng pamahalaan ang posibilidad na bawasan ang bayarin sa pantalan, airport, at toll upang maibsan ang epekto ng pagtaas ng presyo ng langis sa mga pasahero, cargo operators, at transport sector, ayon sa Department of Transportation (DOTr).

Ayon kay Acting DOTr Secretary Giovanni Lopez, inutusan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at ni Executive Secretary Ralph Recto ang pagsusuri sa mga posibleng tanggalin o bawasan na singil sa mga pantalan, lalo na para sa shipping companies. Bagaman deregulated ang pamasahe ng ilang shipping lines, tinitingnan ng gobyerno ang mga hakbang na makikinabang ang mga pasahero at kargamento.

Kasabay nito, pinag-aaralan din ang bawas-singil sa aviation sector, kabilang ang terminal fees sa mga CAAP-operated airports at navigation charges, upang mas mababa ang pamasahe sa mga pasahero.

Samantala, nakipag-usap na rin ang DOTr sa mga toll operator para sa diskwento sa ilang sasakyan, kabilang ang provincial buses at trucks na nagdadala ng mahahalagang produkto. Ayon kay Lopez, natanggap na ang aprubal para sa diskwento, at kasalukuyang tinatalakay ang eksaktong halaga at paraan ng implementasyon.

Advertisement
Advertisement