Binigyang-diin ni Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr. na hindi lamang ang kakayahang gumanti sa posibleng pag-atake ang dapat maging sukatan ng lakas ng Mutual Defense Treaty (MDT) sa pagitan ng Pilipinas at Estados Unidos, kundi higit sa lahat ang kakayahang pigilan ang anumang armadong komprontasyon.
Ayon kay Teodoro, mahalagang higit pang palakasin ng dalawang bansa ang kanilang kakayahang magdepensa at magsilbing panangga laban sa anumang banta ng pag-atake upang maiwasan ang pagkasira ng ari-arian at pagkawala ng buhay.
Kaugnay nito, nakatakdang bumili ang Pilipinas ng mga makabagong kagamitang militar mula sa Estados Unidos sa pamamagitan ng $2-bilyong financing package.
Nilinaw naman ni Teodoro na hindi ito grant o libreng tulong pinansyal, kundi pondong gagamitin sa pagbili ng mga kagamitang pandepensa sa ilalim ng Security Sector Assistance Roadmap.
Bukod dito, kabilang din sa tulong ng Estados Unidos ang $400-milyong grant para sa Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine Coast Guard (PCG), gayundin ang karagdagang $100-milyong grant at pondo para sa mga programang may kaugnayan sa defense information technology.
Patuloy namang pinaiigting ng Pilipinas ang pagpapalakas sa kakayahan ng militar nito upang maprotektahan ang pambansang teritoryo at karapatan sa karagatan, lalo na sa gitna ng nagpapatuloy na tensiyon at tumitinding aktibidad ng China sa West Philippine Sea.








