Naglabas ng babala ang Embahada ng Pilipinas sa Israel matapos makatanggap ng impormasyon mula sa Israel Defense Forces hinggil sa nalalapit na malawakang missile barrage umano ng grupong Hezbollah laban sa Israel.
Ayon sa Embahada ng Pilipinas sa Israel, may natukoy ang Israel Defense Forces (IDF) na umano’y paghahanda ng Hezbollah para sa isang malakihang pag-atake gamit ang mga rocket sa loob ng susunod na ilang oras.
Dahil dito, mahigpit na pinapayuhan ang lahat ng nasa Israel na manatiling malapit sa mga itinalagang ligtas na lugar tulad ng mamad o reinforced safe rooms, upang agad makapagtago sakaling tumunog ang emergency alert.
Partikular ding pinayuhan ang mga caregiver na ihanda na ang kanilang mga inaalagaan sa loob ng mga shelter, kabilang ang pagpapahinga o pagpapatulog sa mga ito roon, upang maiwasan ang biglaang paglikas sa oras ng panganib.
Ang naturang babala ay inilabas sa Facebook page ng embahada bandang alas-11 ng gabi (oras sa Pilipinas), kung saan binanggit ang pahayag ng IDF na inilabas sa X ilang oras bago nito.
Sa pahayag ng IDF, sinabi nitong nakakita sila ng pinalawak na paghahanda mula sa Hezbollah para sa posibleng rocket attacks, habang patuloy umano ang kanilang operasyon upang pigilan ito. Nakaalerto na rin ang kanilang air defense systems at mga sundalo sa hangganan bilang paghahanda sa posibleng depensa at opensiba.













