Hiniling ng legal team ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa International Criminal Court (ICC) na alisin sa listahan ng mga testigo ng prosekusyon ang dalawang indibidwal na tinukoy bilang P-1334 at P-1348. Iginiit ng depensa na ang kanilang mga testimonya ay nakabatay lamang umano sa hearsay at mga impormasyong nagmula sa media at social media.

Sa isang redacted request filing na inilabas noong Nobyembre 9, hiniling ng abogado ni Duterte na si Peter Haynes sa ICC Trial Chamber III na huwag nang isama ang dalawang testigo. Ayon sa depensa, halos hindi umano nanatili sa Pilipinas ang mga ito sa buong panahong saklaw ng Counts 2 at 3 ng kaso.

Binigyang-diin ni Haynes na walang direktang personal na kaalaman ang dalawang testigo tungkol sa mga desisyon at operasyong isinagawa noong panahon ng administrasyon ni Duterte. Kabilang dito ang mga alegasyon hinggil sa umano’y killing quotas, financial rewards, at target lists na iniuugnay rin kay Senador Ronald “Bato” dela Rosa.

Ayon pa sa depensa, ang mga nalalaman ng dalawang testigo tungkol sa ilang insidente ng pagpatay kaugnay ng kampanya kontra droga ay nagmula lamang sa mga ulat ng pahayagan at mga kuwentong narinig mula sa ibang tao. Dahil dito, iginiit nilang wala umanong sapat na probative value ang naturang mga salaysay upang magsilbing ebidensiya laban sa dating pangulo.

Advertisement

Nakaharap si Duterte sa tatlong bilang ng crimes against humanity sa ICC, kung saan nakatakdang magsimula ang paglilitis sa Nobyembre 30, 2026. Sa ngayon, wala pang inilalabas na desisyon ang Trial Chamber III kaugnay ng mosyon ng depensa na alisin ang dalawang testigo sa listahan ng prosekusyon.

Advertisement