
Magpapatupad ang Department of Transportation (DOTr) ng dalawang buwang toll discount para sa mga Public Utility Vehicle (PUV), bus, at freight trucks simula Lunes, Marso 23 hanggang Mayo 22 bilang tugon sa pagtaas ng presyo ng petrolyo.
Ayon sa DOTr, ang programa ay isang lingguhang rebate para sa mga kuwalipikadong sasakyang may RFID upang maibsan ang epekto ng mataas na presyo ng langis. Saklaw nito ang mga jeepney (Class 1), bus (Class 2), at trucks o logistic vehicles (Class 3).
Para sa Class 1 na jeepneys, maaaring makatipid ng hanggang ₱18 sa bawat end-to-end trip. Sa Class 2 o bus, ang rebate ay hanggang ₱47 bawat trip, habang ang Class 3 o trucks ay makakatipid ng hanggang ₱72 kada biyahe.
Ang diskwento ay ipapamahagi sa pamamagitan ng lingguhang rebate sa mga RFID account tulad ng Easytrip.
Kailangan lamang na magparehistro sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) at tiyaking hindi kasali sa iba pang toll discount programs.
Ayon sa DOTr, ang hakbang na ito ay bahagi ng patuloy na tugon ng gobyerno sa global na tensyon sa Middle East na nakakaapekto sa presyo ng langis at transportasyon sa bansa.













