Nilinaw ng Department of Information and Communications Technology na walang naganap na hacking o data breach sa eGov app sa kabila ng kumakalat na ulat.
Ayon kay DICT Undersecretary David Almirol Jr., ang mga ulat ng umano’y breach ay nagmula lamang sa isang third-party e-complaint system na naka-integrate sa app at hindi naglalaman ng personal na impormasyon ng mga user.
Iginiit ng opisyal na ligtas ang datos ng mga gumagamit dahil ang lahat ng registration o KYC data sa eGov app ay fully encrypted at may iba’t ibang security layers, kaya hindi ito mababasa kahit ng mga programmer ng ahensya.
Nagbabala rin ang DICT sa publiko laban sa mga scammer na nagpapanggap na kawani ng gobyerno at humihiling ng pag-install o pag-update ng app.
Ayon kay Almirol, walang empleyado ng gobyerno ang tatawag sa mga indibidwal para magpa-install ng aplikasyon o mag-update ng kanilang records.
Hinikayat ang publiko na i-report ang anumang kahina-hinalang tawag o aktibidad gamit ang report button sa eGov app, na direktang magbibigay ng alerto sa Cybercrime Investigation and Coordinating Center para sa agarang aksyon.













