Nagbabala ang Department of Agriculture (DA) na posibleng tumaas sa mahigit P500 kada kilo ang presyo ng karneng baboy dahil sa epekto ng krisis sa petrolyo dulot ng tensyon sa Middle East.
Ayon sa DA, posibleng tumaas ng 60% ang presyo ng baboy, habang ang bigas ay maaaring tumaas ng 50% kung lalala pa ang sitwasyon. Sa kasalukuyan, ang presyo ng pork liempo sa pamilihan ay nasa P400 kada kilo, at ang ibang pork cuts ay nasa P320–P340 kada kilo.
Sinabi ni Rosendo So ng Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG) na ang farmgate price sa baboy ay nasa P185–P190 kada kilo, na nagreresulta sa retail price na P340–P350. Idinagdag niya na ang presyo ng bigas ay maaaring mas mataas kaysa sa inaasahan: “Ang presyo ng palay ngayon is P28. Dapat sa miller ay P46, at sa retailer P52–P54.”
Bagaman may posibilidad ng pagtaas ng presyo, naniniwala ang SINAG na hindi maaabot ang worst-case scenario dahil inaasahan na mapapababa ng suspensyon ng excise tax ang presyo ng petrolyo. Sang-ayon naman ang National Price Coordinating Council sa rekomendasyon ng DA na limitahan ang presyo ng bigas sa P50 kada kilo.














