Iniutos ng House Committee on Justice ang pagdalo ni Ramil Madriaga sa nakatakdang impeachment hearing sa Abril 14, kung saan kinakailangan niyang dalhin ang kanyang affidavit at iba pang ebidensya laban kay Sara Duterte.
Batay sa inilabas na subpoena, sinasabing tumanggap si Madriaga ng confidential funds mula sa Office of the Vice President at Department of Education noong 2022 hanggang 2023. Ayon sa dokumento, ibinigay umano ang mga pondong ito ni Vice-Presidential Security and Protection Group (VPSPG) Col. Raymund Dante Lachica at kalaunan ay ipinamigay sa mga kaibigan at kakilala ng Bise Presidente.
Itinuturing na bagong elemento sa impeachment complaint ang testimonya ni Madriaga. Ayon sa mga complainant, malinaw umano nitong pinatutunayan na ginamit at inilihis ang confidential funds para sa personal na layunin, na labag sa itinakdang paggamit ng nasabing pondo.
Mariing itinanggi ni Duterte ang mga paratang at nagsampa pa ng perjury complaint laban kay Madriaga. Inilarawan din niya ito bilang bahagi umano ng isang kidnap-for-ransom group na may planong pumatay sa kanya.
Samantala, hindi ito ang unang subpoena na inilabas ng Kamara kaugnay ng usapin. Nauna nang inatasan si Jesus Crispin Remulla na humarap sa susunod na pagdinig at magsumite ng certified true copies ng Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN) ni Duterte mula 2022 hanggang 2025, gayundin mula 2007 hanggang 2013, bilang bahagi ng naunang desisyon ng komite noong Marso 25.














