Tinatayang aabot sa 15,000 overseas Filipino workers (OFWs) ang humiling ng repatriation assistance mula sa Department of Migrant Workers (DMW) dahil sa patuloy na kaguluhan sa Gitnang Silangan, ayon sa ulat ng ahensya.
Ayon sa DMW, karamihan sa mga nag-request ay nakategorya na bilang “repatriation-ready,” nangangahulugang kumpleto na ang kanilang mga dokumento at naghihintay na lamang ng plano para sa kanilang pagbabalik sa Pilipinas.
Nilinaw ng ahensya na ang pagsusumite ng kahilingan ay hindi laging nangangahulugan ng agarang pangangailangan para umuwi. Maraming OFWs ang nagpalista upang maisama sa opisyal na monitoring list, para masiguro ang agarang tulong sakaling lumala ang sitwasyon sa kanilang lugar.
May ilan din na umatras sa kanilang kahilingan matapos magpalista dahil sa pagkakaroon ng stable na trabaho o paglutas ng mga isyu sa kanilang workplace.
Hanggang Abril 6, umabot na sa 4,611 OFWs at kanilang dependents ang na-repatriate mula sa Gitnang Silangan. Kaugnay nito, nakikipagtulungan ang DMW sa Department of Labor and Employment upang aralin ang alternative labor markets at i-profile ang mga repatriated OFWs upang matukoy ang angkop na trabaho para sa kanila.














