Maikling tugon lamang ang ibinigay ni Vice President Sara Duterte nang tanungin tungkol sa mga usap-usapan sa kalusugan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., matapos niyang sabihin ang “Good luck sa kanya” sa isang panayam sa Davao City.

Ayon sa Bise Presidente, wala na siyang ibinigay pang dagdag na pahayag matapos ang nasabing maikling tugon, na mabilis na umani ng pansin dahil sa kasalukuyang isyu ng kalusugan ng Pangulo.

Ang pahayag ni Duterte ay ginawa isang araw matapos mismong pasinungalingan ni Marcos ang mga kumakalat na espekulasyon tungkol sa kanyang kalusugan. Nauna nang sinabi ng Pangulo na maayos ang kanyang kondisyon at nakabalik na siya sa kanyang normal na gawain matapos ang naunang diagnosis ng diverticulitis.

Nag-ugat ang mga haka-haka sa social media, kung saan kumalat ang mga alegasyon na luma umano ang mga larawang ginagamit sa mga opisyal na post ng Malacañang, na nagdulot ng spekulasyon sa kalagayan ng Pangulo.

Advertisement

Matatandaang magka-running mate sina Marcos at Duterte sa ilalim ng “UniTeam” noong 2022 elections, ngunit kalaunan ay nagkawatak ang kanilang political alliance.

Nagsimulang lumamig ang kanilang ugnayan nang magbitiw si Duterte bilang kalihim ng Department of Education noong Hunyo 2024, dahil sa umano’y personal at propesyonal na dahilan.

Mula noon, ayon sa mga ulat, hindi na nagkita sa anumang opisyal o hindi opisyal na aktibidad ang dalawang pinakamataas na opisyal ng bansa, na lalong nagbigay-diin sa patuloy na paglayo ng kanilang dating alyansa.

Advertisement