Iminungkahi ni House Ways and Means Committee Chair Marikina City Rep. Miro Quimbo ang isang government-led loan financing program para sa mga kumpanya ng langis upang mapagaan ang epekto ng patuloy na pagtaas ng presyo ng petrolyo sa bansa bunsod ng tensyon sa Middle East.
Sa isang news forum sa Quezon City ngayong Sabado, ipinaliwanag ni Quimbo na layunin ng panukala na tugunan ang tinatawag na “liquidity issue” ng mga fuel retailers upang hindi agad maipasa sa mga konsyumer ang biglaang paggalaw ng presyo sa pandaigdigang merkado.
Ayon sa mambabatas, ang kasalukuyang “replacement cost” mechanism ay maaaring magdulot ng hindi paborableng epekto sa publiko dahil ang mga produktong binili sa mas mababang halaga ay naibebenta sa mas mataas na presyo batay sa kasalukuyang market rates.
Gayunman, nilinaw din ni Quimbo na hindi rin mainam ang direktang price control o pagmamandato sa mga kumpanya ng langis na ibenta ang kanilang imbentaryo sa orihinal nitong presyo, dahil maaari itong magdulot ng kakulangan sa supply kung mag-aantala ang mga kumpanya sa muling pagbili ng stocks.
“Dito pwedeng pumasok ang gobyerno… since this is a liquidity issue… pwede naman pautangin ang gas companies ng reasonable interest rate para may pambili sila,” pahayag ni Quimbo.
Dagdag niya, mababayaran din agad ang pautang kapag bumaba na ang presyo at nakapagbenta na ang mga kumpanya, kaya aniya ay isang posibleng solusyon ito sa panandaliang oil price shock.
Kasabay nito, inanunsyo rin ni Quimbo na iimbestigahan ng House Ways and Means Committee ang posibleng “cartel-like” behavior ng mga oil company sa lingguhang paggalaw ng presyo ng petrolyo, at ipapatawag ang mga kinatawan ng industriya upang ipaliwanag ang kanilang pricing system.
Inaasahan ding makabubuo ng panukalang batas ang Kamara bago magbalik-sesyon sa Mayo 4, na layong tugunan ang agarang epekto ng mataas na presyo ng langis at magsagawa ng mga structural reform upang mabawasan ang pagdepende ng bansa sa pabago-bagong presyo sa pandaigdigang merkado.














