Hindi umano nababahala ang kampo ni Vice President Sara Duterte sa nakatakdang pagtestigo ni Ramil Madriaga, isang self-confessed “bagman” ng Bise Presidente, sa impeachment hearing sa House of Representatives.

Ayon kay Atty. Salvador Paolo Panelo Jr., legal counsel ni Duterte, hindi nila pinaniniwalaan ang mga magiging pahayag ni Madriaga at tiniyak na kaya nilang patunayang mali ang kanyang testimonya sa tamang forum.

“As counsel for VP Sara in the specific perjury complaint versus Madriaga, we don’t mind because we know that whatever he says are lies,” pahayag ni Panelo.

Dagdag pa niya, ang tanging ikinababahala nila ay maaaring may maniwala sa mga akusasyon lalo na’t posibleng mapalaki o ma-amplify ang mga ito sa House Justice Committee.

Advertisement

Gayunman, sinabi ng kampo ni Duterte na hindi nila haharangin ang pagtestigo ni Madriaga at itinuring pa nila itong “weakest link” ng kaso.

“…we’re not going to stop them from self-destructing their case by inviting Madriaga to testify,” dagdag pa ni Panelo.

Samantala, sinabi ng abogado ni Madriaga na si Atty. Raymund Palad na handa ang kanyang kliyente na humarap sa pagdinig sa Martes at magpatotoo sa ilalim ng panunumpa.

“Tingin ko walang dahilan para matakot, walang dahilan para hindi po maglatag ng ebidensya,” pahayag naman ni Bicol Saro Rep. Terry Ridon, na nanawagan din kay VP Sara na dumalo sa impeachment hearing upang sagutin ang mga akusasyon laban sa kanya.

Batay sa utos ng korte, pinayagan si Madriaga na dumalo sa pagdinig ng House Committee on Justice sa Abril 14 mula 8 a.m. hanggang 5 p.m., sa kondisyon na may escort mula sa jail authorities.

Nauna nang nagsampa ng perjury complaint si VP Sara laban kay Madriaga, ngunit iginiit ng kampo niya na hindi ito dapat makaapekto sa kanyang pagtestigo sa impeachment case.

Advertisement