Pinag-aaralan ng House panel na tumatalakay sa krisis sa enerhiya ang panukalang palitan ang kalahati ng fleet ng mga sasakyan ng gobyerno ng electric vehicles (EVs), ayon kay Marikina 2nd District Rep. Juan Carlos “Miro” Quimbo.

Ayon kay Quimbo, napag-usapan ang mungkahi sa unang pagdinig ng multi-committee Legislative Energy Action Development (LEAD) Council, kung saan tinalakay ang mga hakbang upang mabawasan ang pagdepende ng bansa sa langis.

“We discussed during the first hearing to practically require that at least half of our government vehicles be swapped to their electric counterparts,” ani Quimbo.

Layunin ng panukala na maging bahagi ng mas malawak na pangmatagalang plano upang maibsan ang epekto ng paulit-ulit na oil price shocks sa ekonomiya ng bansa.

Advertisement

Giit ng mambabatas, isa ito sa pinakamabilis at praktikal na hakbang upang bawasan ang pag-asa ng transport sector sa petrolyo, na nananatiling pangunahing pinagkukunan ng enerhiya ng maraming industriya.

Binigyang-diin din niya na bagama’t limitado ang papel ng diesel sa power generation, nananatiling mataas ang dependence ng transport sector sa langis kaya’t kailangang pabilisin ang transisyon sa alternatibong enerhiya.

“So instead of being petroleum-based, what incentives do we need to put in place in the economy to encourage various industries such as renewable energy, like solar and batteries, so that we are no longer dependent on oil?” dagdag ni Quimbo.

Ang Legislative Energy Action Development (LEAD) Council, na binubuo ng 13 komite ng Kamara, ay nagsisilbing sentro ng pagbalangkas ng mga agarang solusyon at pangmatagalang reporma upang bawasan ang oil dependence at patatagin ang ekonomiya laban sa global energy shocks.

Advertisement