Apat pang kadete ng Philippine National Police Academy (PNPA) ang natukoy na umano’y direktang sangkot sa hazing ng hindi bababa sa 22 underclassmen, ayon sa mga awtoridad.
Ayon sa paunang imbestigasyon, una nang isinailalim sa kustodiya ang tatlong kadete, at kasunod nito ay nadagdagan pa ng apat ang mga natukoy na posibleng sangkot sa insidente at isasama sa mga kasong isasampa.
Nagpadala na rin ng subpoena sa mga kinauukulang personnel at kadete upang obligahin silang humarap sa imbestigasyon.
Giit ni Philippine National Police (PNP) Chief Police General Jose Melencio Nartatez Jr., walang puwang sa organisasyon ang anumang uri ng hazing o pang-aabuso na lumalabag sa dignidad ng mga nagsasanay.
“Any act that causes harm, demeans dignity or distorts the true meaning of discipline has no place in the Philippine National Police. Walang puwang ang hazing sa ating organisasyon,” ani Nartatez.
Dagdag pa niya, mananagot ang sinumang mapapatunayang lumabag sa patakaran ng institusyon.
“Ang layunin ng pagsasanay ay maghubog ng kakayahan at integridad, hindi takot o pananakit,” dagdag ng PNP chief, sabay diin na mahigpit na ipinagbabawal ang anumang uri ng pang-aabuso.
Iniutos din ni Nartatez ang masusing reassessment ng mga kaukulang directorates at ng PNPA upang palakasin ang safeguards, tiyakin ang accountability, at maiwasan ang kahalintulad na insidente sa hinaharap.
Binigyang-diin ng PNP na hindi nila palalampasin ang naturang kaso, at patuloy na ipatutupad ang mahigpit na paninindigan laban sa hazing sa hanay ng kapulisan.














