Nahati ang mga transport groups sa bansa kaugnay ng planong protesta laban sa mataas na presyo ng langis, kung saan kinumpirma ng PISTON na lalahok sila sa tatlong araw na nationwide transport strike mula Abril 15 hanggang 17 na pangungunahan ng MANIBELA.

Ayon kay Mody Floranda, tuloy-tuloy ang kanilang pagsama sa mga kilos-protesta simula Marso at magpapatuloy hanggang matapos ang Mayo 1, bilang panawagan laban sa mataas na presyo ng langis at mga polisiya sa deregulasyon.

Giit ng PISTON, hindi sapat ang mga fuel discount at subsidy schemes ng pamahalaan at iginiit nila ang pagtanggal sa Oil Deregulation Law at value-added tax sa produktong petrolyo.

Sinabi rin ni Floranda na pansamantala lamang ang epekto ng inaasahang oil price rollback at hindi nito nababawi ang naunang pagtaas sa presyo ng gasolina at diesel.

Advertisement

Samantala, mariing nagpahayag ng hindi pagsali ang ilang transport groups na kinabibilangan ng ALTODAP, Pasang Masda, at Busina.

Ayon kay Melencio Vargas, mas pipiliin nilang makipag-ugnayan sa mga ahensya ng gobyerno kaysa sumama sa tigil-pasada, dahil maaapektuhan umano ang mga commuter na hindi naman responsable sa pagtaas ng presyo ng langis.

Iminungkahi rin ni Vargas ang pansamantalang deferment ng loan payments ng mga transport operators at mas pinalawak na pondo para sa service contracting program ng pamahalaan, na aniya ay maaaring umabot sa ₱2 bilyon hanggang ₱5 bilyon.

Patuloy namang pinag-uusapan ng mga grupo at pamahalaan ang iba’t ibang hakbang upang maibsan ang epekto ng patuloy na pagtaas ng presyo ng petrolyo sa sektor ng transportasyon.

Advertisement