Tiniyak ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na magpapatuloy ang implementasyon ng Walang Gutom Program (WGP) sa kabila ng pagtaas ng presyo ng pagkain dulot ng tensyon sa Gitnang Silangan.

Ayon kay DSWD Undersecretary Edu Punay, patuloy na makatatanggap ng libreng pagkain at food credits ang mga benepisyaryo ng programa upang matiyak na may sapat at masustansyang pagkain ang mga mahihirap na pamilya.

Sa ilalim ng programa, tumatanggap ang mga benepisyaryo ng P3,000 buwanang food credits, bukod pa sa mga gabay sa tamang pagba-budget at paghahanda ng pagkain upang mapagkasya ang gastusin nang hindi naaapektuhan ang nutrisyon.

Ipinatutupad din ang Kalusugan, Kakayahan, at Kabuhayan (3K) Sessions kung saan tinuturuan ang mga kalahok na maghanda ng abot-kaya ngunit masustansya at masarap na pagkain.

Advertisement

Bukod dito, pinalalakas din ang kakayahan ng mga benepisyaryo sa kabuhayan sa pamamagitan ng pakikipagtulungan sa iba’t ibang ahensya tulad ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) at Department of Labor and Employment (DOLE).

Inilunsad noong 2023 at isinabatas sa pamamagitan ng Executive Order No. 44 noong 2024, ang Walang Gutom Program ang pangunahing inisyatiba ng pamahalaan upang tugunan ang suliranin sa gutom at food insecurity sa bansa.

Iginiit ng DSWD na mananatili ang kanilang komitment na suportahan ang mga bulnerableng sektor sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin.

Advertisement