Umabot na sa mahigit P1 bilyon ang kabuuang halaga ng tulong na naipamahagi ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa mga komunidad na lubhang naapektuhan ng El Niño.
Ayon kay DSWD spokesperson Assistant Secretary Irene Dumlao, kabilang sa mga ipinamahaging ayuda ang emergency cash assistance, family food packs, non-food items at water filtration kits.
Sa kabuuang halaga, mahigit P930 milyon ang inilaan para sa Emergency Cash Transfer (ECT), na pangunahing nakatuon sa pagtulong sa mga magsasaka sa Cagayan, Isabela at Camarines Norte.
Samantala, personal na pangungunahan ni DSWD Secretary Rex Gatchalian ang pamamahagi ng emergency cash assistance sa Cagayan ngayong weekend.
Patuloy rin ang monitoring ng ahensya sa mahigit 6,300 lugar na saklaw ng LAWA initiative at mahigit 9,000 sites sa ilalim ng BINHI program. Layunin ng mga programang ito na matugunan ang pangangailangan sa tubig at masuportahan ang pagpapatuloy ng mga gawaing pang-agrikultura sa kabila ng matinding tagtuyot.
Bukod dito, iniulat ng DSWD na mahigit P23 bilyon na rin ang naipamahagi sa mga benepisyaryo ng UPLIFT program bilang tulong upang maibsan ang epekto ng nagpapatuloy na krisis sa enerhiya.














