Tinawag ng legal counsel ng kampo ni Vice President Sara Duterte na si Salvador Paolo Panelo Jr. ang sinasabing bagman na si Ramil Madriaga bilang “weakest link” sa isyu, kasabay ng iginiit na nabigo umano itong pabulaanan ang ebidensiyang hawak ng depensa kaugnay ng perjury complaint ng Bise Presidente.

Sa isang pahayag, sinabi ni Panelo na hindi umano sinagot ng pinakahuling salaysay ni Madriaga ang tinawag niyang “clear and convincing evidence” na nauna nang iniharap ng kampo ni Duterte.

“Our assessment that Ramil Madriaga would be the weakest link in the impeachment case was fully vindicated today,” ani Panelo.

Ayon sa kanya, nakatuon umano ang affidavit ni Madriaga sa mga “irrelevant and immaterial matters” sa halip na tugunan ang mga pangunahing isyung ibinabato ng kampo ng Bise Presidente.

Advertisement

“As expected, Madriaga failed to address — because he could not address — the clear and convincing evidence presented by the Vice President in the perjury complaint that proves he is a fraud,” dagdag niya.

Kinuwestiyon din ng legal counsel ang kredibilidad ng mga alegasyong may kinalaman sa umano’y cash deliveries at mga utos na ipinapasa sa pamamagitan ng prepaid phones, na tinawag niyang “unverifiable.”

Giit pa niya, hindi kapani-paniwala na ipagkakatiwala umano ng matataas na opisyal, kabilang si dating Pangulong Rodrigo Duterte, ang sensitibong usapin sa seguridad sa isang indibidwal na wala umanong opisyal na koneksyon sa military o police channels.

Binanggit din ni Panelo ang mga ulat na nag-uugnay kay Madriaga sa isang kidnapping-for-ransom group na tinukoy ng Philippine National Police bilang kabilang sa mga mapanganib na criminal syndicates sa bansa.

Sa kabila ng mga alegasyon, sinabi ng legal team ng Bise Presidente na nananatili silang kumpiyansa at handang harapin ang mga susunod na yugto ng pagdinig. “The majority of Filipinos will see through the lies,” ani Panelo.

Advertisement