Naniniwala ang ilang mambabatas na may “probable cause” upang ma-impeach si Vice President Sara Duterte matapos pagtibayin ng Commission on Audit (COA) ang Notice of Disallowance sa P73 milyong confidential funds ng Office of the Vice President noong 2022.
Sa pagdinig ng House Committee on Justice, ibinunyag ng COA na naglabas din ito ng Notice of Disallowance sa P375 milyon pang confidential expenses ng OVP para sa tatlong quarter ng 2023.
Ayon kina Batangas Rep. Gerville Luistro, Bicol Saro Rep. Terry Ridon, at Manila 3rd District Rep. Joel Chua, lalo nitong pinatatatag ang alegasyon ng maling paggamit ng pondo.
Iginiit ni Ridon na ang pagiging pinal ng COA findings ay may bigat, lalo na’t ipinababalik umano ang P73 milyon dahil sa umano’y maling paggamit. Dagdag pa rito, sinabi ni Chua na kahit hindi isaalang-alang ang testimonya ni Ramil Madriaga—na nagpakilalang umano’y “bagman”—ang findings ng COA ay sapat nang magdulot ng problema sa kampo ng bise presidente.
Sinabi naman ni Luistro na may posibilidad na ituring ng komite na may sapat nang batayan o probable cause, lalo na kung hindi masasagot ng kampo ni Duterte ang mga alegasyon.
Bukod sa COA findings, binanggit din ang ulat ng National Bureau of Investigation na may pagkakatulad umano sa mga lagda at sulat-kamay sa acknowledgment receipts, pati na ang pahayag ng Philippine Statistics Authority na walang rekord sa pangalang “Mary Grace Piattos” at iba pang sinasabing tumanggap ng pondo.
Samantala, muling itinanggi ni Duterte ang mga paratang at sinabing may bahid pulitika ang mga ito. Iginiit din niyang mas dapat pagtuunan ng pansin ang mas mahahalagang isyu gaya ng krisis sa enerhiya.
Hinimok naman ni Luistro ang bise presidente na harapin ang mga alegasyon sa harap ng komite, at iprisinta roon ang anumang ebidensya upang kontrahin ang mga testimonya.
Nilinaw din niya na ang pagdinig ay hindi isang paglilitis kundi bahagi lamang ng pagtukoy kung mayroong probable cause.
Sa susunod na pagdinig sa Abril 22, tututok ang komite sa isyu ng umano’y hindi maipaliwanag na yaman ni Duterte, kabilang ang kaniyang Statements of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN), pati na ang mga rekord mula sa Securities and Exchange Commission at Bureau of Internal Revenue.
Nagbigay rin ng pahintulot ang komite na i-subpoena ang Anti-Money Laundering Council at si dating Senador Antonio Trillanes IV kaugnay ng mga umano’y kahina-hinalang bank transactions.














