Inihayag ni Atty. Paolo Panelo, legal spokesperson ni Vice President Sara Duterte, na nakatanggap umano ang Bise Presidente ng mensahe mula sa isang dating miyembro ng kaniyang household staff dakong alas-11:19 ng gabi noong Nobyembre 16, 2026, na humihingi ng agarang tulong at proteksyon.
Ayon kay Panelo, nakasaad sa mensahe na ang dating tauhan ay nasa kustodiya o kontrol umano ng ilang indibidwal sa Maynila. Bago ito, sinabihan umano ang naturang indibidwal na nanganganib ang kaniyang buhay at pinipilit na lumagda sa isang dokumento na tumanggi naman itong pirmahan.
Inihalintulad ni Panelo ang insidente sa sinapit umano ni Jefry Tupas noong Setyembre 29, 2026, nang sabihan din ito ng mga ahente ng National Bureau of Investigation (NBI) na may banta sa kaniyang buhay at tangkaing dalhin sa Maynila.
Sa ngayon, hindi pa matukoy ang kinaroroonan ng dating household staff member at wala pang kumpirmasyon hinggil sa kaniyang kasalukuyang kalagayan.
Nagpahayag naman ng pangamba ang kampo ni Duterte na maaaring bahagi ang insidente ng umano’y paggamit ng administrasyong Marcos sa mga institusyon ng pamahalaan, kabilang ang NBI, upang takutin at pilitin ang ilang indibidwal na tumestigo laban sa Bise Presidente.
Dahil dito, nanawagan si Panelo sa publiko, media, at mga kinauukulang ahensya na tutukan ang naturang alegasyon at tiyaking agad na mapangalagaan ang kaligtasan, karapatan, at kalayaan ng dating tauhan.














