Nanawagan si Senador Sherwin Gatchalian sa Social Security System (SSS) na magpatupad ng loan moratorium upang maibsan ang pinansyal na pasanin ng middle class na apektado ng pagtaas ng presyo ng langis na dulot ng tensyon sa Middle East.
Ayon kay Gatchalian, maaaring gayahin ng SSS ang hakbang ng Government Service Insurance System (GSIS), na nagpatupad na ng pansamantalang pagpapaliban sa pagbabayad ng utang para sa mga miyembro nito.
Binanggit din ng senador ang inisyatiba ng Pag-IBIG Fund na nagbigay ng tatlong buwang housing loan moratorium para sa mga overseas Filipino workers (OFWs) na naapektuhan ng digmaan, at iminungkahi niyang palawakin pa ito upang masaklaw ang mas maraming miyembro ng ahensya.
Batay sa datos ng Senate Economic Planning Office, umabot sa 4.1% ang inflation noong Marso, na nagdulot ng pagbaba ng purchasing power ng mga sambahayan. Tinatayang nasa ₱1,138 hanggang ₱2,275 kada buwan ang nababawas sa kita ng humigit-kumulang 9.1 milyong lower middle-income households, habang ₱2,274 hanggang ₱3,982 naman sa nasa 3.4 milyong middle-income households.
Ayon pa sa pag-aaral ng Philippine Institute for Development Studies (PIDS), nananatiling bulnerable ang emerging middle class sa mga biglaang krisis tulad ng pagtaas ng presyo, pagkawala ng trabaho, at mga gastusing pangkalusugan.
Sa huli, iginiit ni Gatchalian ang agarang aksyon mula sa mga ahensya upang mapagaan ang epekto ng patuloy na pagtaas ng gastusin sa pamumuhay ng mga Pilipino.














