Mabuhay ang OPM!
Muling nag-perform ang P-pop girl group BINI sa Mojave Stage ng Coachella Valley Music and Arts Festival para sa Weekend 2, tampok ang bagong setlist, updated styling, at mas pinalawak na pagpapakita ng kanilang musika.
Binuksan ng BINI ang kanilang set sa kantang “Strings,” kapalit ng “Shagidi” na ginamit nila noong Weekend 1. Agad itong sinundan ng enerhiya at mas pinahusay na stage presence na muling ikinatuwa ng mga manonood.
Sa unang bahagi ng performance, suot ng grupo ang sparkly at edgy outfits bago nagkaroon ng mabilisang onstage wardrobe change patungo sa metallic purple at rose gold ensembles na may silver boots.
Bago ituloy ang kanilang set, isa-isang nagpakilala ang mga miyembro gamit ang greetings na hango sa kanilang mga hometown, na nagbigay pa ng dagdag na sigla sa audience.
Sunod na kinanta ng grupo ang “Zero Pressure” at “Out of My Head,” bago lumipat sa ikalawang bahagi ng performance na kinabilangan ng “Karera” at “Salamin Salamin.”
Nagpatuloy ang set sa “Blink Twice,” “Cherry on Top,” at sa huling bahagi ay “Blush,” “Bikini,” at “Pantropiko,” kung saan sumabay na ang mga fans sa kanilang awitin.
Tinapos ang kanilang performance sa paglabas ng Philippine flag sa screen at mensaheng “Mabuhay ang musikang Pilipino” mula sa kanilang leader na si Jhoanna.
Ang BINI ang kauna-unahang Filipino at P-pop girl group na nakapag-perform sa Coachella, at nakatakda pa silang magtanghal sa Grammy Museum para sa “Global Spin Live!” series pagkatapos ng festival.














