Binago ni Vice President Sara Duterte ang kanyang travel plan matapos ang huling-minutong pagbibigay ng awtorisasyon mula sa Office of the President (OP), ayon sa kanyang liham ngayong Huwebes, Abril 23.

Ayon kay Duterte, magpapadala siya ng panibagong request sa OP dahil sa pagbabago ng kanyang travel plans bunsod ng kawalan ng katiyakan kung siya ay papayagang makaalis ng bansa.

Nagpasalamat ang Bise Presidente sa huling-minutong travel authority ngunit iginiit na naapektuhan nito ang kanyang paghahanda. Hiniling din niya na mas maagang maiproseso ang mga susunod na dokumento upang magkaroon ng sapat na panahon para sa preparasyon ng biyahe.

Sa naunang dokumento na pirmado ni Acting Executive Secretary Ralph Recto, pinahintulutan si Duterte na bumiyahe sa The Netherlands, Republic of Korea, Belgium, Germany, at United Kingdom mula Abril 23 hanggang Mayo 15 habang nasa leave of absence at walang gastos mula sa gobyerno.

Advertisement

Kasabay nito, pinaalalahanan din ni Duterte ang OP na tiyakin ang confidentiality at tamang paghawak ng mga sensitibong dokumento.

Ang pagbabago ng travel plans ay nangyari sa gitna ng impeachment proceedings laban sa Bise Presidente, na hindi rin dumalo sa pagdinig ng House Committee on Justice nitong Miyerkules.

Advertisement