Pinayuhan ng Malacañang ang abogado ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na si Atty. Nicholas Kaufman na ituon ang pansin sa legal na depensa ng kanyang kliyente at iwasan ang pakikialam sa pulitika sa Pilipinas.
Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, mas mainam na pagtuunan ni Kaufman ang kanyang legal na estratehiya kaysa magbigay ng pahayag laban sa administrasyon ni Ferdinand Marcos Jr.. Dagdag niya, tila nawawala umano sa pokus ang abogado dahil sa patuloy nitong pagbabantay sa pulitika sa bansa.
Pahayag ito matapos akusahan ni Kaufman ang kasalukuyang administrasyon na tumutulong umano sa prosekusyon sa kaso ni Duterte sa International Criminal Court.
Nauna nang kinumpirma ng ICC ang mga kasong crimes against humanity laban sa dating Pangulo kaugnay ng mga pagpatay sa ilalim ng kanyang “war on drugs” mula noong siya ay alkalde ng Davao City hanggang sa kanyang panunungkulan bilang Pangulo.
Sa desisyon ng ICC Pre-Trial Chamber I, inatasan si Duterte na humarap sa paglilitis matapos makita ang sapat na batayan sa tatlong bilang ng murder at attempted murder. Kabilang dito ang mga pagpatay sa Davao City, mga operasyon laban sa “high-value targets,” at mga isinagawang barangay clearance operations na may kabuuang dose-dosenang biktima.
Tinukoy rin sa desisyon ang umano’y “common plan” at ang tinatawag na “Davao model,” na sinasabing naging batayan ng sistematikong operasyon laban sa mga pinaghihinalaang kriminal, sa tulong ng ilang opisyal ng pulisya at pamahalaan.
Mariing itinanggi ng kampo ni Duterte ang mga paratang, kung saan iginiit ni Kaufman na kathang-isip lamang ang alegasyon ng isang state-sponsored killing policy.
Sa susunod na hakbang, bubuo ang ICC ng Trial Chamber na magtatakda ng proseso at iskedyul ng paglilitis, habang inaasahang maaaring tumagal ng ilang buwan hanggang higit isang taon ang preparasyon bago ito tuluyang magsimula.














