Magpapatuloy ang paghahanda ni Alex Eala para sa French Open sa pamamagitan ng pagsabak sa dalawang magkasunod na torneo sa Italy, kasunod ng kanyang kampanya sa Spain kung saan umabot siya sa ikalawang round ng singles at doubles sa Mutua Madrid Open.

Ayon sa 20-anyos na Filipina tennis star, determinado siyang bumalik nang mas malakas matapos ang kanyang naging performance sa Madrid Open nitong weekend.

Bago sumabak sa mga torneo sa Italy, magkakaroon muna si Eala ng isang linggong pahinga bago lumaro sa Internazionali BNL d’Italia sa Rome mula Mayo 5 hanggang 17, isang WTA 1000-level tournament na kabilang sa pinakamalalaking kompetisyon bago ang French Open.

Kasama rin siya sa listahan ng mga lalahok sa Parma Ladies Open mula Mayo 12 hanggang 17, ngunit depende pa ang kanyang paglahok dito sa magiging resulta ng kanyang kampanya sa Rome.

Advertisement

Ang mga clay-court tournaments ang magsisilbing huling paghahanda ni Eala para sa French Open na gaganapin mula Mayo 24 hanggang Hunyo 7 sa Paris.

Si Eala, na nagtapos sa Rafael Nadal Academy, ay nakapaglaro na sa tatlong clay tournaments ngayong season bilang bahagi ng kanyang buildup, ngunit hindi pa siya nakalalagpas sa ikalawang round sa alinman sa mga ito.

Sa Madrid Open, natalo siya sa second round kay Elise Mertens ng Belgium, 6-2, 6-1, habang sa doubles ay natalo sila ng Turkish partner niyang si Zeynep Sonmez laban kina Katerina Siniakova at Taylor Townsend, 6-1, 7-5.

Sa kasalukuyan, nasa world No. 44 si Eala at target niyang makabalik sa mas mataas na ranggo matapos maabot ang career-best No. 29 noong nakaraang buwan.

Advertisement