Nanatiling buo ang tiwala ng White House sa United States Secret Service sa pagbibigay-proteksyon kay US Pres. Donald Trump kasunod ng insidente ng pamamaril sa isang hotel sa Washington, D.C. noong Sabado.

Ayon sa isang opisyal ng White House, naniniwala ang Pangulo na naging epektibo ang mabilis na pagtugon ng mga ahente ng United States Secret Service matapos mapigilan ang suspek.

Kasabay nito, inanunsyo na magsasagawa ng masusing pagrepaso sa umiiral na security protocols upang maiwasan ang kahalintulad na insidente sa hinaharap.

Nangyari ang pamamaril malapit sa security checkpoint sa lobby ng hotel kung saan ginaganap ang kaugnay na aktibidad para sa White House Correspondents’ Dinner.

Advertisement

Kinilala ng mga awtoridad ang suspek na si Cole Tomas Allen, 31 taong gulang mula California, na agad inaresto matapos umanong magpaputok ng baril sa lugar. Nakatakda siyang humarap sa korte sa mga kasong isinampa laban sa kanya.

Ayon sa imbestigasyon, inilalarawan umano ni Allen ang kanyang sarili bilang isang “game developer and teacher,” habang patuloy pang inaalam ng mga awtoridad ang kanyang motibo.

Samantala, sinabi ni Kash Patel, direktor ng Federal Bureau of Investigation, na handa ang kanilang ahensya na tumulong kung sakaling muling idaos ang nasabing event sa loob ng susunod na 30 araw, bagaman wala pang pinal na desisyon.

Iminungkahi rin ni Trump na maaaring itakda sa lalong madaling panahon ang bagong petsa ng pagtitipon, ngunit nilinaw ng mga opisyal na patuloy pa itong sinusuri dahil sa usaping pangseguridad.

Sa kabila ng insidente, sinabi ni Trump sa isang panayam na hindi siya nabahala sa nangyari.

Advertisement