Binigyang diin ni King Charles III sa isang address sa United States Congress na ang alyansa ng United Kingdom at United States ay “more important than ever.”
Sa kanyang talumpati, binigyang-diin ng Hari na hindi kayang harapin ng iisang bansa lamang ang mga suliraning kinakaharap ng mundo, kaya mahalaga ang patuloy na pagtutulungan ng mga kaalyadong bansa.
Ipinahayag din niya ang “highest regard and friendship” ng United Kingdom sa Estados Unidos at binalikan ang makasaysayang pagbisita at talumpati ng kanyang ina na si Queen Elizabeth II sa parehong institusyon noong 1991.
Nakasentro ang address ni King Charles III sa kumbinasyon ng British humor, kasaysayan, at mga pananaw sa mga pandaigdigang hamon, na madalas sinasabayan ng palakpakan at standing ovation mula sa mga mambabatas.
Sa pagtatapos ng kanyang talumpati, sinabi ng Hari na “America’s words carry weight and meaning,” na nagdulot ng magkakahalong reaksyon mula sa mga dumalo.
Bago ang kanyang pagharap sa Kongreso, nakipagpulong din si King Charles III kay Donald Trump sa White House bilang bahagi ng kanyang state visit.
Mainit na tinanggap sina King Charles III at Queen Camilla sa isang seremonya kung saan kapwa nakita ang pakikipagkamay at ngiti ng mga opisyal ng dalawang bansa.














