Bumaba sa No. 20 ang ranggo ni Filipino tennis star Alex Eala sa live WTA Finals Race kasunod ng nagpapatuloy na Madrid Open.
Mula sa No. 17 noong nakaraang linggo, nakalikom si Eala ng karagdagang 35 points kaya umabot sa kabuuang 807, kasunod ng kanyang pag-abot sa round of 64 sa torneo.
Gayunman, umangat sa standings sina Marta Kostyuk, Hailey Baptiste, at Anastasia Potapova matapos makapasok sa quarterfinals ng Madrid Open.
Nagtala si Kostyuk ng 930 points upang umakyat sa No. 15 mula No. 22, habang si Baptiste ay pumuwesto sa No. 17 mula No. 26 matapos makuha ang 843 points. Si Potapova naman ay umakyat sa No. 19 mula No. 32 matapos makalikom ng 827 points.
Nalampasan din si Eala ni Elise Mertens, na umakyat sa No. 18 matapos makuha ang 830 points mula sa kanyang round of 32 finish, kung saan tinalo niya ang Filipina.
Sa kabila ng pag-angat ng ilang karibal, nakaiwas si Eala sa mas malaking pagbaba matapos bumaba si Madison Keys sa No. 21 mula No. 16 dahil sa kawalan ng dagdag na puntos ngayong linggo.
Inaasahang ilalabas ang opisyal na Finals Race rankings, kabilang ang singles at doubles standings, matapos ang pagtatapos ng Madrid Open sa Linggo.













