Opisyal nang nanumpa si Cavite 4th District Rep. Kiko Barzaga bilang bagong miyembro ng PDP-Laban nitong Abril 29, 2026, kasabay ng kanyang kinakaharap na mga reklamo at posibleng expulsion sa Mababang Kapulungan ng Kongreso.
Kinumpirma ng PDP-Laban at ni Barzaga sa magkahiwalay na social media posts ang kanyang paglipat mula sa National Unity Party (NUP). Ayon sa partido, ganap siyang naging miyembro matapos makumpleto ang Basic Membership Seminar.
Dumating ang paglipat ni Barzaga sa gitna ng mga kontrobersiyang kinakaharap niya sa Kamara. Ayon kay House Deputy Speaker Janette Garin, maaari siyang maharap sa expulsion dahil sa umano’y paulit-ulit na hindi angkop na asal at kabiguang gampanan ang tungkulin bilang mambabatas.
Sa kasalukuyan, may mga reklamong nakabinbin laban kay Barzaga sa House ethics panel.
Matatandaang nasuspinde siya ng 60 araw noong Disyembre ng nakaraang taon, na walang sahod at benepisyo, dahil sa disorderly behavior kaugnay ng umano’y hindi angkop na social media posts.
Noong Pebrero, pinatawan siya ng karagdagang 60-araw na suspensyon ng Kamara dahil sa tinawag na “utter contempt for institutional standards.”
Sa kabila nito, iginiit ni Barzaga na ang mga parusang ipinataw laban sa kanya ay nagsisilbing distraction lamang mula sa mas malalaking isyu, partikular ang umano’y anomalya sa flood control projects.
“This is still pushing the issue away from the flood control mess… pati na rin ang rampant corruption sa gobyerno,” ani Barzaga.
Dagdag pa niya, wala siyang pinagsisisihan sa kanyang mga naging aksyon at naniniwala siyang dapat ding imbestigahan ang iba pang mambabatas kaugnay ng naturang isyu.














