Ibinasura ng Korte Suprema ang petisyong humihiling na atasan ang Senado ng Pilipinas na agad magtipon bilang impeachment court upang litisin si Vice President Sara Duterte.
Sa En Banc session, isinantabi ng Korte Suprema ang petition for mandamus na inihain ni Catalino Generillo Jr., iginiit na hindi ito angkop na remedyo upang ipatupad ang hinihiling na aksyon mula sa Senado.
Ayon sa desisyon, hindi maaaring panghimasukan ng Hudikatura ang mga hakbang ng Senado sa loob ng sarili nitong saklaw bilang kapantay na sangay ng pamahalaan, maliban na lamang kung may malinaw na “grave abuse of discretion.”
Gayunpaman, sinuri pa rin ng Korte Suprema ang petisyon upang alamin kung nagkaroon ng paglabag sa batas ang Senado nang hindi agad magpulong bilang impeachment court habang nasa session break.
Napag-alaman ng hukuman na kumilos naman ang Senado sa tamang panahon kaugnay ng impeachment proceedings.
Nilinaw din ng Korte Suprema na ang terminong “forthwith” sa Konstitusyon ay nangangahulugang pagkilos sa loob ng makatuwirang panahon, na maaaring mag-iba depende sa sitwasyon.
Sa huli, itinuring na “moot” ang petisyon dahil nakapaghanda na ang Senado para sa impeachment, at binanggit din ng Korte Suprema ang pagpapawalang-bisa sa Articles of Impeachment laban sa bise presidente noong 2025 at sa resolusyon nitong Enero 2026.














