Pormal nang ginawaran ng kani-kanilang bituin sa Hollywood Walk of Fame sina Emily Blunt at Stanley Tucci sa isang seremonya na ginanap sa Hollywood Boulevard ilang araw bago ipalabas ang kanilang pelikulang “The Devil Wears Prada 2.”
Ang dalawang aktor, na mag-co-stars at magkamag-anak sa tunay na buhay, ay sabay na pinarangalan at tumanggap ng magkatabing stars sa naturang iconic walkway.
Sa kanyang talumpati, sinabi ni Emily Blunt na labis siyang nagpapasalamat at “so honored” na makasama si Stanley Tucci sa naturang pagkilala, at pabirong binanggit na madalas na silang magkasama hindi lamang sa trabaho kundi pati sa personal na buhay.
Bilang tugon, nagbigay-pugay si Stanley Tucci kay Emily Blunt at sinabing agad niya itong minahal at hinangaan mula pa noong una silang magkatrabaho sa orihinal na “The Devil Wears Prada” mahigit dalawang dekada na ang nakalipas.
Dumalo rin sa seremonya ang kapwa nila co-star na si Meryl Streep, na nagbigay ng masayang mensahe kung saan tinawag niyang “anak” si Emily at “national treasure” si Stanley, habang pinuri ang kanilang kontribusyon sa industriya ng pelikula.
Dumalo rin sa event ang iba pang Hollywood stars tulad nina Matt Damon, Robert Downey Jr., at Dwayne Johnson, kasama ang kani-kanilang pamilya, upang saksihan ang pagkilalang iginawad sa dalawang beteranong aktor.














