Hinamon ni House Committee on Public Accounts Chairman at Bicol Saro Party-list Rep. Terry Ridon si Davao City Rep. Paolo Duterte na maglatag ng konkretong ebidensya kaugnay ng paratang na tatanggalan umano ng pondo ang mga kongresista na hindi susuporta sa impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte.

Ayon kay Ridon, mahalagang patunayan ni Rep. Duterte ang kanyang mga pahayag sa halip na basta na lamang maglabas ng akusasyon sa social media nang walang sapat na batayan.

Kasabay nito, hinamon din ng mambabatas si Rep. Duterte na ipakita ang kanyang tapang sa pamamagitan ng aktibong pagdepensa sa impeachment complaint laban sa Bise Presidente sa plenaryo ng Kamara de Representantes.

Kinuwestiyon din ni Ridon ang umano’y madalas na pagliban ni Rep. Duterte sa mga sesyon ng Kamara at ang hindi nito regular na pagdalo sa mga plenary proceedings.

Advertisement

Ginawa ni Ridon ang pahayag matapos mag-post si Rep. Duterte sa kanyang social media account ng alegasyon na may mga kongresista umanong binabantaan na mawawalan ng pondo ang kanilang mga distrito kung hindi boboto pabor sa impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte.

Advertisement