Umakyat sa mas mataas na puwesto ang Filipina tennis star na si Alex Eala sa pinakabagong rankings ng Women’s Tennis Association (WTA) matapos ang kanyang naging kampanya sa Madrid Open.

Mula sa dating No. 44, umangat si Eala sa No. 42 sa singles rankings matapos makapasok sa second round ng torneo at makapagdagdag ng 35 puntos, dahilan para umabot ang kanyang kabuuang iskor sa 1,285.

Sa kanyang kampanya, tinalo niya si Anastasia Pavlyuchenkova sa first round, 6-3, 6-3, bago natalo kay Elise Mertens sa second round, 2-6, 1-6.

Sa doubles event, nakipagtambal si Eala kay Zeynep Sonmez at umabot sila sa second round. Nagwagi sila laban kina Chan Hao-ching at Fanny Stollar, 6-2, 6-2, ngunit natalo kina Katerina Siniakova at Taylor Townsend, 1-6, 5-7.

Advertisement

Dahil sa naturang performance, nakakuha si Eala ng 120 puntos sa doubles na nag-angat sa kanya sa career-high na No. 88 mula sa dating No. 99.

Kasalukuyang nasa Rome si Eala upang maghanda para sa kanyang pagsabak sa Italian Open.

Advertisement