Umaasa si Vice President Sara Duterte na matutuloy at magiging maayos, patas, at mapayapa ang 2028 presidential elections sa Pilipinas, kasabay ng pag-amin na itinuturing na niyang sarili bilang “presumptive candidate” matapos ideklara ang intensyon na tumakbo bilang pangulo.
Sa isang panayam sa The Hague, Netherlands, sinabi ni VP Sara Duterte na siya ay maituturing nang “presumptive candidate” para sa 2028 presidential race matapos niyang ihayag ang intensyon na tumakbo sa pinakamataas na posisyon sa gobyerno.
“I’m already a presumptive candidate because I declared my intention to run for the next presidential elections,” ani Duterte, at idinagdag na “We can only pray that there will be a presidential election in 2028 and it will be honest, orderly, and peaceful.”
Tinanong kung handa na ba siyang maging susunod na pangulo, muling pinagtibay ng Bise Presidente ang kanyang plano na tumakbo sa 2028.
Noong Pebrero, pormal niyang inihayag ang intensyon na sumabak sa pagkapangulo sa susunod na national elections.
Samantala, sa isang Pulse Asia survey na isinagawa mula Pebrero 27 hanggang Marso 2, nakatabla si Duterte kay Senador Raffy Tulfo sa 46 porsiyento sa presidential preference poll na nagkumpara sa dalawang personalidad.
Sa hiwalay na resulta, nang ikumpara naman siya kay Naga City Mayor Leni Robredo, lumamang si Duterte sa 51 porsiyento laban sa 43 porsiyento.
May mga ulat din na nagsusulong sa ilang mambabatas na hikayatin si dating Interior Secretary Mar Roxas na muling tumakbo sa 2028 presidential elections.













