Sinabi ni Vice President Sara Duterte na kailangan nang mag-move on at maghanda para sa paglilitis ang defense team ng kanyang ama na si dating Pangulong Rodrigo Duterte, kasunod ng mga pinakahuling desisyon ng International Criminal Court (ICC) na kumikilala sa hurisdiksyon nito sa kaso.
Sa isang panayam sa The Hague, Netherlands, sinabi ni VP Sara Duterte na tinanggap niya ang pasya ng International Criminal Court (ICC) na may hurisdiksyon ito sa kaso ng dating Pangulo at ang pag-validate ng mga kasong isinampa laban sa kanya.
Ayon sa Bise Presidente, naniniwala ang kanilang legal team na hindi na uurong ang ICC sa kaso, kaya’t mas mainam na paghandaan na lamang ang nalalapit na paglilitis.
“We don’t see any way that ICC will let go of the case of President Duterte… So we don’t think na they will let this go,” ani Duterte.
Dagdag niya, “Same lang na this will really go to trial. And the best way to move forward is to prepare for trial.”
Si dating Pangulong Rodrigo Duterte ay kasalukuyang nakakulong sa ICC Detention Center habang nahaharap sa kasong crimes against humanity kaugnay ng mga patayan sa ilalim ng war on drugs noong siya ay alkalde ng Davao City at pangulo ng bansa.
Nasa The Hague si VP Sara para bisitahin ang kanyang ama, kung saan sinabi niyang mukhang maayos ang kalagayan nito ngunit iminungkahi niya ang physiotherapy, na umano’y tinanggihan ng dating Pangulo.
Ayon sa ICC, kinumpirma nito noong Abril 23 ang mga kaso laban kay Duterte, habang nakatakda nang magsimula ang mga susunod na hakbang sa proseso kabilang ang trial preparations at status conference sa Mayo 27, 2026.
Patuloy naman ang apela ng kampo ni Duterte na payagang kuwestiyunin ang pasya ng Pre-Trial Chamber ng ICC.














