Ipinatawag ng Land Transportation Office (LTO) ang isang motorcycle rider at driver ng van matapos mag-viral sa social media ang kanilang sagupaan sa kalsada na nauwi sa suntukan sa Calamba City, Laguna.
Ayon sa LTO, nagpalabas ito ng show cause orders laban sa dalawang motorista kaugnay ng insidente noong Mayo 3, 2026 na na-video at kumalat sa Facebook.
Naganap ang insidente bandang 10:30 ng gabi sa Calamba City kung saan nagsimula sa verbal na pagtatalo ang dalawang driver bago nauwi sa pisikal na engkwentro.
Inatasan ng LTO ang dalawang motorista na humarap sa Intelligence and Investigation Division (IID) sa Mayo 20 at magsumite ng sinumpaang paliwanag kung bakit hindi sila dapat kasuhan ng reckless driving at pagiging hindi angkop na magmaneho.
Haharap din sa karagdagang kaso ang motorcycle rider dahil sa umano’y “compulsory registration of motor vehicles,” habang parehong nilagyan ng LTO alarm ang kanilang mga sasakyan.
Inutos din na isuko ng dalawa ang kanilang lisensya, na sasailalim sa 90-araw na preventive suspension habang isinasagawa ang imbestigasyon.
Nagpaalala si LTO chief at Transportation Assistant Secretary Markus Lacanilao na seryosong banta sa kaligtasan ang road rage at walang puwang ang karahasan sa mga lansangan.
Binalaan din ng ahensya na kung hindi dadalo ang mga respondent sa itinakdang pagdinig, magdedesisyon ito batay sa mga ebidensyang nakalap.













