Labis na emosyonal at nagpapasalamat ang P-pop girl group na BINI matapos silang bigyang-pagkilala ng Senate of the Philippines para sa kanilang makasaysayang pagganap sa international music festival na Coachella.
Dumalo sa Senado nitong Miyerkules ang lahat ng walong miyembro ng BINI kung saan inaprubahan ang Senate Resolution 370 sa ilalim ng sponsorship ni Senador Bam Aquino.
Ayon kay Senador Bam Aquino, ang tagumpay ng BINI ay patunay ng galing at husay ng mga Pilipino sa pandaigdigang entablado.
Ilang senador ang nagpahayag din ng suporta at pagkilala sa grupo, kabilang sina Joel Villanueva, Raffy Tulfo, Erwin Tulfo, Risa Hontiveros, Jinggoy Estrada, Loren Legarda, at Kiko Pangilinan.
Ayon sa mga miyembro ng BINI, hindi nila inasahan ang parangal at lubos silang na-overwhelm sa pagtanggap ng Senado.
Binigyang-diin naman ni Senadora Risa Hontiveros ang papel ni Mikha ng BINI sa pagsusulong ng mental health awareness at safe spaces, lalo na para sa kababaihan. Aniya, nagsisilbing magandang huwaran ang grupo para sa mga kabataang babae.
Nagpasalamat si Mikha sa pagkilala at sa pagbibigay pansin sa kapakanan ng mga artista.
Sa kanilang pahayag, nanawagan ang BINI na mas palawakin pa ang suporta sa mga Pilipinong artist at creatives, at bigyang mas maraming oportunidad ang OPM at lokal na talento sa global stage.














