Itinanggi ni Vice President Sara Duterte ang kumakalat na balita sa social media na umano’y binato niya ang laptop sa kanyang legal defense team na si Atty. Michael Poa, at tinawag itong “gossip” at “basura.”
Sa panayam sa The Hague, sinabi ni Sara Duterte na walang katotohanan ang naturang mga alegasyon at iginiit na hindi niya kailanman ginawa ang pagbato ng laptop sa kahit sinumang kasamahan, empleyado, o abogado.
Ayon sa Bise Presidente, hindi rin umano siya gumagamit ng laptop o computer sa kanyang trabaho at umaasa lamang siya sa kanyang mga staff para sa mga kinakailangang dokumento. Dagdag pa niya, personal niyang binili ang kanyang laptop at hindi ito basta-basta ibinabato.
Mariin ding itinanggi ni Atty. Michael Poa ang insidente at tinawag itong “fake news” at “completely false.”
Samantala, binatikos din ni VP Sara ang kanyang mga kritiko na umano’y nagpapakalat ng iba’t ibang akusasyon laban sa kanya sa social media, kabilang ang mga paratang na siya ay “baliw,” “incompetent,” at “pro-China.”
Sa usapin naman ng impeachment complaint laban sa kanya, iginiit ng Bise Presidente na dapat malinaw ang proseso ng pananagutan sa ilalim ng batas, at hindi dapat gamitin bilang paraan laban sa mga hindi sumasang-ayon sa kasalukuyang administrasyon.
Idinagdag pa niya na hindi niya intensyong tumakbo bilang Pangulo noong 2022 at bukas siya sa anumang papel na maaaring ibigay sa kanya sa gobyerno, kabilang ang pananatiling Bise Presidente.














