Inurong ng Sandiganbayan Third Division ang paglalabas ng desisyon sa hiwalay na petisyon para sa piyansa ni dating senador Ramon “Bong” Revilla Jr. at anim niyang co-accused sa kasong malversation of public funds kaugnay ng umano’y maanomalyang P92.8-milyong flood control project sa Pandi, Bulacan.
Ayon sa Sandiganbayan Third Division, pinalawig ng 30 araw ang pagresolba sa mga petisyon simula Mayo 7, 2026 dahil sa dami ng mga rekord at testimonya na kinakailangang suriin ng korte.
Sa pahayag ni Atty. Dennis Pulma, clerk of court ng Third Division, sinabi nitong kinailangan ng dagdag na panahon upang mapag-aralan nang mabuti ang lawak ng mga dokumento at transcript ng testimonya ng mga saksi.
Ibinahagi rin ng korte na may mga karagdagang dokumentong isinumite matapos ang huling pagdinig noong Abril 24, kabilang ang hiwalay na petisyon at memorandum mula sa ilan sa mga akusado.
Kabilang sa mga co-accused ni Revilla ang dating mga opisyal at engineer ng Department of Public Works and Highways (DPWH), gayundin ang ilang accountant na umano’y sangkot sa naturang proyekto.
Nahaharap si Revilla at ang iba pang akusado sa kasong may kaugnayan sa umano’y iregularidad sa implementasyon ng flood control project sa Pandi, Bulacan.














