Opisyal nang nasungkit ng Meralco Bolts ang twice-to-beat advantage sa quarterfinals ng Season 50 PBA Commissioner’s Cup matapos gapiin ang Terrafirma Dyip, 113-69, sa Ninoy Aquino Stadium sa Malate.
Umangat ang Bolts sa 8-3 kartada upang makuha ang huling bonus slot sa eight-team quarterfinals, kasabay ng NLEX Road Warriors (10-2), Barangay Ginebra Gin Kings (8-3), at Rain or Shine Elasto Painters (8-3).
Ayon kay Meralco head coach Luigi Trillo, malaking hakbang ang kanilang panalo sa maagang bahagi ng eliminations upang makamit ang mas magandang posisyon sa playoffs.
Dominado ng Bolts ang laro mula simula hanggang dulo, agad na lumamang ng 26-8 sa first quarter at lalo pang lumayo sa 51-20 sa gitna ng second period.
Bitbit ang 61-42 na kalamangan sa halftime, hindi na binitawan ng Meralco ang kontrol sa ikalawang hati ng laro at tuluyang dinaig ang Dyip.
Nanguna para sa Bolts sina import Marvin Jones at Chris Newsome na may tig-14 puntos, habang nag-ambag din ng double-digit scoring sina CJ Cancino, Bong Quinto, Javee Mocon, at Brandon Bates.
Sa kabilang banda, bumagsak ang Terrafirma sa 4-8 kartada at hindi na pinalaro ang kanilang seven-foot import na si Mubashar Ali dahil sa food poisoning.
Pinangunahan nina Paolo Hernandez na may 15 puntos at Jerrick Ahanmisi na may 12 puntos ang Dyip, ngunit hindi sapat upang makasabay sa mainit na opensa ng Meralco.














