Nakatakdang pagbotohan ngayong Lunes ng House of Representatives of the Philippines ang committee report na nagsasabing may “probable cause” sa impeachment complaint laban kay Bise Presidente Sara Duterte.
Kasunod ito ng ilang linggong pagdinig at pagsusuri ng mga dokumento at ebidensiya kaugnay ng mga alegasyon laban sa bise presidente.
Tatalakayin din sa plenaryo ang committee report at resolusyon na magbibigay-daan upang maipadala sa Senado ang apat na Articles of Impeachment para sa paglilitis.
Ayon kay Gerville Luistro, chairperson ng House Justice panel, handa ang komite na ipagtanggol sa plenaryo ang kanilang findings upang makakuha ng sapat na boto mula sa mga mambabatas.
Nauna nang bumoto ang Justice committee ng 53-0 upang kilalaning may probable cause para ma-impeach si Duterte.
Sa ilalim ng Konstitusyon, kinakailangan ang one-third vote o hindi bababa sa 106 boto mula sa 318 miyembro ng Kamara upang maipasa ang impeachment complaint at maipadala ito sa Senado na magsisilbing impeachment court.
Isasagawa ang botohan sa pamamagitan ng nominal voting kung saan isa-isang tatawagin ang bawat kongresista upang bumoto ng “oo” o “hindi.”
Kabilang sa apat na pinagsama-samang Articles of Impeachment ang umano’y maling paggamit ng mahigit P600 milyong confidential funds, hindi maipaliwanag na yaman, alegasyon ng suhulan sa Department of Education, at umano’y pagbabanta laban kina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos, at dating House Speaker Martin Romualdez.
Samantala, nagbabala naman ang Partido Demokratiko Pilipino–Lakas ng Bayan o PDP Laban na hindi nito tatanggapin sa partido ang mga mambabatas na boboto pabor sa impeachment ng bise presidente.
Ayon sa partido, iba-blacklist umano ang mga ito at hindi papayagang tumakbo sa ilalim ng PDP Laban sa mga susunod na halalan.














