Pormal nang inimpeach ng House of Representatives of the Philippines si Bise Presidente Sara Duterte matapos bumoto pabor ang 255 mambabatas sa isinagawang botohan, lagpas sa kinakailangang bilang na itinakda ng Konstitusyon.

Sa kabuuang botohan, 255 kongresista ang sumuporta sa impeachment complaint laban kay Duterte, habang 26 ang tumutol at siyam naman ang nag-abstain.

Kabilang sa mga batayan ng impeachment complaint ang culpable violation of the Constitution, graft and corruption, betrayal of public trust, bribery at iba pang high crimes.

Lumagpas ang bilang ng mga bumoto pabor sa kinakailangang 106 boto o katumbas ng isang-katlo ng mga miyembro ng Kamara upang maipasa ang Articles of Impeachment sa Senado.

Advertisement

Sa sponsorship speech ng Articles of Impeachment, sinabi ni Gerville Luistro, chairperson ng House Justice Committee, na kinakailangang ipaliwanag ni Duterte ang umano’y P6.7 bilyong bank transactions niya at ng kaniyang asawang si Manases Carpio na nakasaad sa kanilang joint Statement of Assets, Liabilities and Net Worth o SALN.

Ayon kay Luistro, magkakaroon ng pagkakataon ang Bise Presidente na sagutin ang lahat ng alegasyon kapag umabot na sa Senado ang impeachment trial.

“Sa Senado, naroon ang pagkakataon ng Bise Presidente na sagutin nang buo ang bawat alegasyon, iharap ang kanyang ebidensya, at marinig ng buong sambayanan ang kanyang panig,” ani Luistro.

Binigyang-diin din ng mambabatas na nakabatay umano sa mga ebidensiya ang Articles of Impeachment at hindi lamang sa mga alegasyon o tsismis.

Advertisement